Lumaktaw sa pangunahing content

DAKILA ANG TULAD MO



Ang kwentong ito ay alay sa mga kababayan at mga kaibigan nating mga magsasaka

( Larawang mula sa Google)



Hindi lingid sa akin ang kapalaluan ng aking pamilya sa bayan ng Bato Bantiling. Ako ay mula sa Buena pamilya na talaga namang maimpluwensiya sa nasabing bayan. Tinitingala, kinatatakutan, mayaman at mga edukado. Ang aking ama ay isang alkalde bukod sa pagiging abogado habang ang aking ina’y isang surgeon na nagpaka- dalubhasa  pa sa Estados Unidos.

Apat ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan. Dalawang babae at dalawang lalaki. Ako ang bunso. Abogado rin si kuya Arnulfo na siyang panganay sa amin. Si ate Brenda naman ay commercial model at may business na internet café at beauty products. Si ate Paula na sinundan ko’y  isang dentista at may negosyong RTW sa bayan.

Sa malawak naming lupain at bukirin ay tila hindi nila binigyan ng pansin. Alam ko, ayaw nilang maarawan o mabilad sa putik. Gayun na lamang ang paghamak nila sa mga magsasakang nagtatanim sa aming bukirin. Sadyang pinaupahan iyon ng aking mga magulang sa kanila at ang maaaning bunga ay kukunin ng aming pamilya at bibigyan lamang sila ng porsiyento para maipagbili naman nila sa merkado.

Ako ay miyembro ng isang banda bilang bokalista na tumutugtog sa mga pamosong bar at hotel sa Maynila ay pinagtutuunan ko ng pansin ang aming bukirin. Nakikisalamuha ako sa mga magsasaka roon at iyon ay pinupulaan ng aking mga kaanak. Bakit daw ba ako nakikisalamuha sa mga patay-gutom at mga hampas-lupa? Ang tanging tugon ko nama’y dahil hindi ako katulad nila na matapobre at ang tingin sa kanilang mga sarili ay mga taong sakdal na dapat tingalain ng mga kapus-palad.

Tuwing linggo’y umuuwi ako sa amin at  hindi nakakaligtaang dumalaw sa aming bukirin na kung saa’y nakatirik doon ang  malilit ngunit  magagandang bahay kubo. Masaya kong minamasdan ang  gintong palay na malapit nang anihin na isinasayaw ng hangin. Pati ang mga bungangkahoy at mga gulay na aanihin din ayon sa kanyang kapanahunan ay galak kong minasdan.

Matamis po ba, senyorito Henry?” ani Mang Luis na isang magsasakang malapit na sa akin sapol pa sa aking kamusmusan  habang masayang iniabot sa akin ang bagong pitas na mangga na akin namang tinikman.

“Kakaiba ang laki at tamis niya, Mang Luis. Pupuwedeng pang-export tulad ng mga aning mangga sa bayan ng Guimaras,”

 sagot ko habang nilalantakan ang hinog na mangga. Si Mang Luis ay matagal nang umaasam na magkaroon ng sariling lupang masasaka’y nagkasyang magtiyaga sa aming asyenda. Imposible aniyang magkaroon siya nito.

Mas nanaisin niyang maging alipin ng aming pamilya kaysa magbanat ng buto sa wala. Oo, ang katulad niya’y umaasa sa aming bukiring sinasaka upang makaahon sa buhay. Masasabi kong magaling siyang magsasaka dahil umaani ang aming burikin ng  palay at iba pa ng higit sa inaasahan. Tulad ng iba, hindi lubos na nakikinabang si Mang Luis sa kanilang pinagpaguran dahil ini-engreso ito sa amin. Porsiyentuhan lang  labanan. Sa tantiya ko, nasa dalawampu lamang.

Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin sila sa amin dahil nakakaamot sila ng biyaya sa aming lupain. Tama, sa amin sila umaasa para mabuhay. Ngunit, ang aking puso’y naghuhumiyaw na bakit nananatili silang hamak at maliit sa tingin ng  mga nakakariwasa gayung  kung hindi sa kanilang sikap at tiyaga na pagtamnan ang matabang lupa ng gintong butil ay walang bigas at kaning ihahain sa mesa ng mga hangal. 

Kung tutuusin, ang ginagawa ng tulad ni Mang Luis ang pinaka-dakila sa lahat ng propesyon. Isipin mo na lang kung wala ang tulad nila, maraming tao ang mamatay sa gutom. Habang nag-uusap pa kami’y napatingin ako sa aking wristwatch. Mang-aalasdose na pala. Kailangan ko nang umuwi para makasabay sa hapag-kainan ang aking pamilya na tuwing linggo lamang  nakukumpletong magsasalo sa mesa.

Pero, nagbago ang isip ko. Mawawalan lang ako ng ganang kumain dahil puro panunuya sa kapwa, pagmamalaki sa sarili’t palitan ng mga kapurihan ang maririnig sa kanila. Isa pa, nakakawalang ganang kainin ang mga masasarap na pagkaing iniluto at inihain ng mga kasambahay na nahawa na rin sa kahambugan ng aking pamilya.

Nagpasya akong mananghalian sa bukid kasama ng ilang magsasaka roon. Napansin nilang ganadong-ganado ako sa pagkain. Masayang mukha ang nasilayan ko sa kanila. Sino ang mag-aakalang ang isang anak ng pinaka-mayamang angkan sa baya’y kasalo ng mga hinahamak nilang dakila. 

Batid ko na patuloy pa silang magtitiis at pagbubutihin ang paggawa para sa aming kapakinabangan. Ngunit, panatag sila dahil may isang tulad ko na nasa likod nila na hindi hahayaang apihin ang  mga magsasakang  dakila para sa kanila ang matabang lupa.

Tinapik ni Mang Luis ang aking balikat na nangingilid ang luha ngunit nakangiti. Salitang salamat ang isinambit na alam kong marami ang pakahulugan.

Kaibigan, dakila ang tulad mo.” wika ko sa kanya.  Upang lubos ko silang matulunga’y nagpasya akong sabihin sa aking pamilya na sa akin na ipamahala ang asyenda at lahat ng saklaw nito. ( Story by: Ravenson Biason)




Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

ANG REAL-LIFE HANAMICHI SAKURAGI

Marahil batid ng ilan sa atin lalo na ang mga basketball fans kung sino si Hanamichi Sakuragi . Siya lang naman ang pinakabida sa basketball anime na Slam Dunk . Siya ang pinakasikat sa Shohoku Team at tinaguriang ‘ Henyo’ at ‘Hari ng Rebound’ .  Kung lilimiing mabuti, maaasahan talaga sa rebound si Sakuragi at magaling din sa depensa. Kapag umopensa naman, siguradong highlights ito dahil ang lupit niyang dumakdak. Pero,alam ba ninyo na ang naturang cartoon character ay talagang umiral sa tunay na buhay.Isang totoong persona. Dahil ang pangalang Hanamichi Sakuragi ay talagang eksistido.   Nang gawing anime ang kanyang buhay ay iniba ang ilan sa mga pangyayari sa kanyang talambuhay. Ang Sakuragi sa tunay na buhay ay ipinanganak sa bansang Japan noong taong 1968 na mula sa simpleng pamilya lamang. Ang kanyang nanay ay pumanaw noong siya’y musmos pa lang. At dahil sa kinalakihan niya na walang kinagisnang ina, nasabak sa basag-ulo si Sakuragi upang may mapagbuhusan ng sa

JAKE, ANG TAONG KALAHATING TAO, KALAHATING BUWAYA

Kagila-gilalas na inihayag ng mga researchers sa naturang pook ang kanilang natuklasan kuno sa isang kakatwang nilalang. Ito kasi ay kalahating-tao at kalahating buwaya. Ito ay may mukha ng tao at may katawan ng tao. Ngunit, pagdating sa ibaba, o kalahati nito, ay gaya ng katawan ng buwaya. Ito umano ay pambihirang pagkatuklas sa larangan ng Zoology sa nakalipas na 200 taon. Ito ay may habang 8 na talampakan ayon kay Dr. Gregory Hickens ng Miami based marine Biologist na gumugol na ng 48 taon sa naturang field. Nadiskubre ng Australian zoologist sa isang infected swamp kasama ang 6 sa kanyang six graduate students. Katulad aniya ito kay “Jake The Alligator Man” sa Longbeach, WA. Hindi nila akalaing totoo ang alamat tungkol sa taong buwaya na bukambibig na ng mga Natchez Indians ilang siglo na ang nakakalipas. Ito umano ang kinatatakutan ng mga mandirigmang Indians na sumisira ng kanilang sasakyang pantubig na canoe. Maging ang mga runaway slaves noong ika-18 dantaon ay

ANG LITERAL NA PAGKATUYO NG ILOG EUFRATES

Ang pagkatuyo ng ilog Eufrates na binabanggit sa Apocalipsis 9:12-13 ay may dalawang katuparan, l iteral at espirituwal.   Ating lilimiin ngayon ang tungkol sa talatang 9:12-13 ng aklat ng Apocalipsis na sinasaad nga roon na ang isang anghel na may hawak na mangkok ay ibinuhos ito sa Ilog Euftates at ang naturang ilog ay natuyo.   Pagkatapos nito, dumaan sa tuyong ilog ang mga hari mula sa silanganan o sikatan ng araw na kung saan ay nagsilbing daraanan nila. Ano ang ibig sabihin nito?  May dalawang uri ito ng kahulugan. literal at espirituwal. Kung susundin ang literal na pakapahulugan, totoong natuyot ang naturang ilog sa kasaysayan. Ang naturang ilog na may habang 3000 kilometro ay isang Great River System sa Timog- Kanlurang Asya na dumadaloy at basin area sa pagitan ng mga bansang Turkey, Iraq, Syria, Kuwait, Saudi Arabia at sa Persian Gulf. Dahil sa nangyari ay nagdurusa ang bansang Iraq, partikular sa Jubaish dahil sa kakulangan ng supply